Saturday, July 7, 2007

Ayokong Maging Sikat

Naikuwento ko narin lang naman ang tungkol sa mapait na karanasan namin ng aking aso, naisip kong itutuloy tuloy ko na.

Isa sa pinakamabigat na dahilan kung bakit ayokong maging sikat ay dahil ayokong maging kapangalan ng hayop, kadalasan ay mga aso.

Minsan ay humahagalpak kami ng aking mga pinsan sa kakatawa pag nakakita kami ng cute na aso at kapag tinanong namin ang pangalan ay kakaiba o di kaya'y kapangalan ng kung sino man ang laman ng balita nung mga panahong kakapanganak palang o kakabili palang sa kanila.

Uumpisahan ko muna sa paglilista ng mga pangalan ng mga aso namin na natatandaan ko pa.

Gardo
(Rulin' the doggie world)
Kung sa tagalog ay Bantay ang tawag sa mga asong nagbabantay sa bahay, English version naman ang samin. Sosyal kami eh. Sabi kasi ng kuya ko, "kita mo nga naman, sa tindig palang, guard dog na guard dog na ang dating". Swerte pa sya dahil pang macho talaga ang pangalang naibigay sa kanya. Katukayo ni Machete. Isa sa mga pinagseselosan kong aso. Nung tuta palang sya, minsan ay makikita ko nalang na katabi nya ang tatay ko matulog. Na eenjoy nya ang bango at init na ibinibigay ng kili kili ng tatay ko.

Doglas
(In doggie heaven. RIP)
Hindi yan wrong spelling. Kasi nga naman DOGlas. Gets? Gets.

Felix
(In doggie heaven. RIP)
Kung merong Felix the cat sa TV, meron naman kaming Felix the dog. Itim kasi sya at sabi ng mga pinsan ko, meron syang mga katangiang maihahalintulad kay Felix the cat. Hanggang ngayon ay di ko maisip kung ano. Uh, baka kumakain din sya ng daga? Ewan.

Chavit
(In doggie heaven. RIP)
Hahaha! Kainitan kasi nun nung impeachment kay Erap. Ayaw naman naming Erap kasi parang ang sagwa.

Choochie
(In doggie heaven. RIP)
Wala lang. Gusto ko lang isama sa listahan. Napakaliit nyang labrador kaya cute ang pangalan. Isa sa mga pinagselosan kong aso dahil buti pa sya may Yakult na pasalubong ang tatay ko. Ako wala.


Marami pa kaming naging aso pero yan lang ang mga kakatuwang pangalan.




Eto naman ang listahan ng mga pangalan ng aso ng mga kaibigan at kapitbahay ko:

Brownie
Kulay itim kasi sya kaya yan ang ipinangalan nung lasenggerong may ari. Lasing siguro sya nung pinangalanan nya yung aso. O, o baka naman color blind sya!

Bill at George
Bwahaha! Labrador lang ng kaibigan ko ang mga hinayupak! Walang kinatatakutan ang mga asong ito. Maliban nalang kung labasan mo sila ng baril. Kahit pellet gun lang o kahit anong mukhang baril ang ilabas mo, tatahimik na sila. Weird. Yung Bill and George din kaya na kilala nating lahat tatahimik pag nilabasan natin ng baril? Hmmm.

Fulgoso
Need I say more? Kapanahunan to ni Mari Mar. Eto yung mga panahong naalala kong marami akong kasabay na matatandang babaeng nagsa-sign of the cross sa jeep dahil humaharabas ang pagpapatakbo nung mamang drayber. "Aysusmaryosep manong, hindi po kami nagmamadali". "Pasensya na po ale, hindi ko na po kasi maaabutan ang Mari Mar". Naknampucha. Tuwang tuwa na nga ako sa bilis dahil feeling ko asa Gran Turismo ako eh. Agaw trip naman tong matandang to. Tsk.

Gringo
Ang manugang ni Barbie. Hehehe. Kawawa naman tong asong to dahil sa sobrang puti ng balahibo nya, akala siguro nung mga may ari eh whiteboard sya sa sobrang dami ng graffiti nya sa katawan.



Hmmm. Napansin ko lang na mga artista o mga pulitikong may kagaguhang ginawa ang mga kadalasang ipinapangalan ng mga tao sa mga aso. Kelan kaya magkakaron ng asong may malaking nunal para hindi na ma-OP si madam president?




* * * * *



May naalala ako. Ikukwento ko lang. Usapang hayop narin naman. Nagkaron kami ng pusa dati na kulay kahel at puti. Sobrang linis at sobrang malandi kahit nung kuting palang kaya pinangalanan naming magpipinsan na Lyla.

Isang malanding tawag sa malanding pusa.

Sa sobrang lambing nun ay lagi syang lumalapit sa'min para magpahimas. Kapag nag palms down ka at nakita nya, tatalon pa sya sa palad mo para mahimas mo lang ang balahibo nya. Eeeenyways.

Lumaki na sya nun. Isang araw, isa sa aming magpipinsan ang nakapansin ng kakatuwang bagay sa kanyang katawan kaya tinawag nya (kung sino man sya) kaming lahat.

"Tignan nyo o!"

*tinaas niya ang buntot ni Lyla at sumilip ang lahat*

*nagulat ang lahat sa kanilang nakita*

"LALAKI PALA SI LYLA!!!"

May itlog ang pusa namin.

*hagalpakan ang lahat*

No comments: